Inanunsyo ng Chocolate Lover Inc. na permanente na silang magsasara sa darating na December 27, matapos ang 36 na taon.
Sa Facebook post, inilahad ni Annie Carmona-Lim, may-ari ng naturang baking supplies store at kilalang landmark sa Cubao, ang naturang pagwawakas ng kanilang negosyo.
“Ayaw na kasing manahin ng mga anak ko. OK na po kami sa ibang bansa,” emosyonal niyang pahayag sa video post.
“Ako naman ay mag-aalaga na lang ng apo kasi matanda na rin po ako,” dagdag niya.
Ipinaalam din ni Annie, na ibinebenta niya ang iconic na kastilyo ng Chocolate Lover Inc., bagama’t bukas din sila kung may nais na umupa sa ngayon.
Pero bago ang permanenteng pagsasara sa December 27, ipagpapatuloy pa rin ng Chocolate Lover Inc. ang pagbebenta ng kanilang baking supplies at equipment.
“Talagang hindi namin pababayaan ‘yung mga customers naming na kung kailan nila kailangan ngayong Pasko, bibitawan namin, hindi po,” saad niya.
“‘Yung dedication ng Chocolate Lover sa mga nagbi-business, gano’n pa rin po ‘yung support namin,” ayon kay Annie.
Sa video message, nagpasalamat din si Annie sa mga tapat na suki ng Chocolate Lover Inc, pati na sa mga naging estudyante niya sa baking workshops.
“Maraming, maraming salamat sa lahat ng suppliers namin, mga dati kong estudyante, mga customers namin, ito na, goodbye na after 36 years,” sabi ni Annie.
“Tatlong taon ko na pong iniiyakan ‘to kasi hindi ko talaga kaya,” patuloy niya. “Baby ko kasi ‘to eh, pero kailangan ko na lang mag sabi ng goodbye.”
— Hermes Joy Tunac/FRJ, GMA Integrated News