Sa panahon ngayon na mas madali nang magbigay ng opinyon at mga kritisismo sa pamamagitan ng social media, nagpaalala si Jasmine Curtis-Smith tungkol sa tamang oras na dapat magsalita, at iyong panahon na kailangan manahimik.
“Para sa 'kin kasi, kapag alam nating naaapektuhan na talaga 'yung mga taong walang ginagawa na masama, number one, or 'yung mga taong hindi dapat naman pag salitaan or pagsabihan ng ganu'n dahil para saan pa?” sabi ni Jasmine sa Fast Talk with Boy Abunda nitong April 13.
Sa halip, ayon sa aktres, mas dapat pagtuunan ng pansin kung papaano magiging mas mabuti ang komunikasyon ng bawat tao sa isa't isa. Magandang paraan din ito para mas mapag-usapan ang mga problema at isyu na personal o kinakaharap ng bansa.
“Kasi may mga paraan lang na kailangan lang natin ibalik sa disiplina, kailangan lang natin i-realign ulit, Tito Boy. I think that's the right moment to speak up,” sabi ng aktres.
Ngunit paglilinaw ng Stars on the Floor celebrity contestant, hindi ibig sabihin na nagsalita ka laban sa isang tao ay nilalabanan na sila. Maaaring gusto lang umano na i-realign o itama ang paraan ng pag-uusap, lalo na at meron namang mas maayos na paraan para gawin ito.
Sang-ayon naman dito si King of Talk Boy Abunda at sinabing mas maingay ngayon dahil lahat ay may kani-kanilang opinyon. Dahil dito, nasabi ng batikang host na marami ang mas pinipiling magsalita sa halip na makinig na lang muna.
Sang-ayon naman si Jasmine na marami ang mas pinipiling magsalita at huwag makinig, at sinabing iyon ang nakakalungkot sa sitwasyon ngayon.
“I think, minsan, maganda rin minsan sumuntok lang tayo ng isang salita, ng isang reminder ba, kasi minsan 'yun din 'yun, e. 'Yung hindi madalas magsalita or minsan lang magsalita, minsan 'yun pa 'yung pinaka-powerful,” sabi ng aktres.