
Habang hinahanap noon ng mga Kastila, sinasabing isa sa mga pinuntahan noon ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay ang Hong Kong. Alamin kung ano na ang hitsura ngayon ng lugar kung saan matatagpuan ang kaniya umanong naging tirahan at maging ang itinayo niyang klinika para sa mata.
Sa nakaraang episode ng “I Juander,” sinabing namalagi sa Hong Kong si Rizal mula Disyembre 1891 hanggang Hunyo 1892 para doon pansamantalang mamuhay.
Itinuro ng photojournalist na si Enrique Rueda Sadiosa, may akda ng “Dr. Jose Rizal Travels 2020,” kung saan namalagi si Rizal sa Rednaxela Terrace.
May nakalagay ritong marker ngayon, na nilalagyan ng bulaklak ang mga historyador tuwing ginugunita ang kaarawan at death anniversary ni Rizal.
“Noong time po kasi na ‘yun, wanted na po si Dr. Rizal na mga Espanyol. So sila na 'yung pumunta rito,” paliwanag ni Sadiosa.
Bukod sa marker, natunton din na sa may D’ Aguilar Street, 5, No. 2 Rednaxela Terrace ang eksaktong lugar kung saan tumira si Rizal, base sa kaniyang calling card noon.
Nang tanungin kung bakit kaya sa Hong Kong naisipan ni Rizal na tumira pansamantala habang pinaghanap na siya, paliwanag ni Sadiosa, “Mas madali dito. 'Yung proximity kasi ng Hong Kong noon, talaga isang sakay lang. And then 'yung time na ‘yun, tirahan talaga ito ng mga Pilipinong hinahanap ng Spain.”
Sa D’ Aguilar Street sa may Central District naman makikita ang itinayo niyang klinika para sa mata.
“Noong panahon ni Dr. Rizal, itong lugar na ito, maliit lang itong kalye. Kilala siya sa Hong Kong noong time na ‘yun. Especially 'yung mga Pilipino na nakatira dito. Nagkaroon siya ng amount para ituloy niya na 'yung second travel niya sa Europe,” anang photographer.
Hindi man naging matagal ang pamamalagi ni Rizal sa Hong Kong, naging bahagi pa rin ito ng kaniyang kuwento. Kaya naman taon-taon umano itong ginugunita ng mga Pinoy sa naturang teritoryo na dating sakop ng Britanya. – FRJ, GMA Integrated News