
Lunes na Lunes, nitong Hunyo 30, nalungkot ako. Paborito ko kasing pick-me-up at pampalipas-oras ang magbabad sa social media tuwing umaga. Pero sa halip na ngumísi, nalungkot ako. Umagang-umaga sinipon ako.
Katapusan na pala kasi ng Hunyo. Nakaligtaan kong huling araw na pala ng kompanyang Philippine Daily Inquirer (PDI), ang orihinal na publisher ng pahayagan. Ayon sa statement nito, tuloy pa rin naman ilalabas ang peryodiko, pero ang bagong mangangasiwa at may-ari nito ay ang kompanyang inquirer.net.
Nung 2017 pa ako nagretiro sa PDI, ang mistulang tahanan ko ng lagpas 30 taon. Pero nung taong ‘yun, parang napaghandaan ko ang paglisan ko sa peryodikong pers lab ang turing ko. Siguro, dahil nung 2017, batid kong nandun lang ang PDI sa isang tabi — nakikita ko pa rin ang diyaryo, tanaw ko pa rin ‘yung building at ang mga dati kong mga katrabaho .
Mas mahapdi ang sakit ngayon. ‘Ika nga, nagkasugat ulit dun sa peklat. Ngayon, pinigaan pa ng kalamansi.
Dahil sa algorithm, namutaktak ang aking social media ng mga message ng pamamaalam. May mga “happy” emoji ‘yung mga mensahe, pero ramdam pa rin ang kirot ng mga sumulat.
Para sa henerasyon namin, it’s the end of the world as we know it. ‘Yun nga lang, hindi tulad nung sentimyento ng R.E.M. — ‘yung bandang kumanta nung pinaghugutan ko ng linya ng awit. I don’t feel fine.
December 9, 1985, ang unang issue ng legacy publication na PDI. Pero taong 1986, pagkatapos ng EDSA People Power ako nakapasok sa PDI. Ang opisina pa nito noon ay nasa No. 13 corner Railroad St., Port Area, Manila. Sa mga pamilyar, tama kayo, iyan din ang unang address ng pahayagang Philippine Star. ‘Ika nga sa makabagong jargon, isang startup ang PDI nung panahong iyon.
At nung panahong ‘yon, may pagka-trailblazing ang ambisyon ng mga bumuo ng PDI. Pinangarap nilang maging isa itong kooperatiba ng mga journalist.
Layúnin din ng mga pioneer ng PDI na ito’y maging source of credible information, panapat sa government-controlled newspapers sa panahon ng 1986 snap elections na ipinatawag ng diktador.
Mga higante ng Philippine journalism ang nagsama-sama para mabuo ang PDI: sina Eugenia Apostol, Betty Go-Belmonte, Max Soliven, Art Borjal, Louie Beltran. Kasama rin nila sina Dr. Florangel Braid, at mga taga civil society na sina Danny Venida at Anicia Mejia.
Taong 1987 nagpasyang bumukod si Tita Betty (ganoon kaliit ang PDI, first name basis kami ng mga boss, at “tita” ang tawag namin sa kanila — feeling close kami). Naalala ko, may assembly kaming mga empleyado sa ballroom ng dating Madrid restaurant sa EDSA nung umiyak na nagpaalam si Tita Betty sa amin. Ang Madrid ang ikalawang main office ng PDI.
Nagkaroon din ang PDI ng mga head office sa YIC Building sa UN Ave, Manila; at sa BF Condominium sa Aduana, Intramuros. Nakapagpagawa ito ng sariling gusali sa Chino Roces Avenue (dating Pasong Tamo), Makati. Taong 1995 kami lumipat sa Makati sa lote na dating tinitirikan ng Arte Español.
Si Tessa Prieto, anak ng bagong mga may-ari ng PDI, ang may disenyo nung building. Ang pinakatampók sa building ay ang spiral staircase sa gitna.
Abandonado na ngayon ang gusaling ito. Ang dami kong magagandang alaala doon.
Nagpasya akong sumulat tungkol sa pagtiklop ng kompanyang Philippine Daily Inquirer hindi para magbigay ng analysis. Wala sa “core competency” ko iyang sumuri ng mga negosyo. Hindi na ako magdudunong-dunungan. Hindi ko kaya ang, ‘ika nga sa Ingles, ang mag-Monday morning quarterback.
Sa mahigit na 30 taon ko sa PDI, mirón lang ako roon, isang hamak na tambay. Pero kaya ako nagkakaganito — nagseséntimyénto — ay dahil biglang nanumbalik sa akin ang mga naranasan ko sa PDI.
Tulad nung mga post sa FB ng mga ex ko (ex-officemates), parang highlight reels ‘yung umikot sa puso’t isip ko.
Sa PDI ko nakilala ang naging katuwang ko sa habang buhay. Naging matchmaker namin noon ‘yung head ng HR. Wala pang mga dating app noon.
Nung 1987 naman binuo naming mga bagitong reporter ang unyon sa PDI, at sa unang sama-samang pakikipagtawaran (collective bargaining) sa management, nagkasundo kami nang maluwag. Ang PDI management pa nga ang nagdagdag ng “profit-sharing” provision sa unang CBA namin. Noon at magpahanggang ngayon, napakaradikal na ideya nito, at bihira ang kompanyang bukas-loob na nagbibigay ng bahagi ng kita nito sa mga empleyado.
Ang pinakamasaganang profit-share na natanggap ng mga kawani ng PDI ay mahigit tig-P100,000 noong 1999, pero hango ‘yun sa kinita nang 1998. Kalakasan noon ng newspaper industry. Huling bugsô na pala ito dahil 1999 ‘yung taong nagpatawag si noo’y pangulong Erap ng advertising boycott laban sa PDI.
Nalagpasan ng PDI ang malaking dagok na ito, bagamat hindi na naulit ‘yung daan-libong halagang profit-sharing. Pagpasok ng bagong siglo, noon pa lang, naaanínag na ang paglubog ng paghahari ng print media.
Ang ipinagmamalaki namin noon ay naging No. 1 newspaper sa Pilipinas ang PDI. Sa tuwing tinatalo namin ang mga karibal sa paramihan ng pahina, may pa-ice cream sa lahat ng empleyado ang management. Tuwing kaarawan ng chairman, o presidente, ng PDI, mapapatid ka sa dami ng Dunkin’ Donuts at Shakey’s pizza sa opisina. ‘Yan din ‘yung panahong madami sa aming ang tumaas ang blood sugar.
Para sa akin, nasabi ko nga, ang pinakamasasayang yugto ng buhay ko ay madalas karugtong ng PDI. Halimbawa, nung ikinasal kami ni kumander nung December 8, 1997, kinabukasan dumalo pa rin kami sa Christmas/anniversary party ng PDI. Tama ang desisyon namin — pareho kaming nanalo sa raffle. Sa katunayan, mula noon, taon-taon nananalo kami na raffle.
Nag-umpisa akong sports writer sa PDI, natapos akong editor. Naging pangulo din ako ng unyon. Umorganisá rin kami ng employees cooperative.
Isa nga pala sa mga probisyon ng unang CBA ay ang “mandatory retirement” ng empleyadong tatlong dekadang nanilbihan o kaya’y umabo’t ng 60 years old. Kasama ang tambay na ito sa mga unang “nakinabang” sa “benefit” na ito.
Hahaba pa ang kwento kong ito kung isusulat ko lahat ng maaalala ko sa 30 taong paglalakbay.
Mga uhuging reporter lang kami nung binuo namin ang unyon. Siguro may kanya-kanya kaming agenda nung itinayo namin ito. Para sa akin, ang nais ko lang ay gumanda ‘yung buhay nung pinakamaliit na empleyado ng PDI: ang mga janitor, messenger, at drayber. Nagawa naman namin.
Sa tingin ko, hangad ng karamihan ng empleyado ang magkaroon ng maginhawang pamumuhay.
Nung kasagsagán ng print media, lalo na kung reporter ka, mararanasan mo ang makahalubílo ang mga “captains of industry” at mga alta-sociedad. Halos gabi-gabi may mga bisita kaming mga prominenteng tao sa opisina ng PDI. Nakasama ang tambay na ito sa mga ganyang galawan.
Kapag naiisip ko ang panahong iyon, naaalala ko ‘yung isang eksena sa pelikulang The Paper. Taong 1994 ito ipinalabas at napanood naming mga kawaní ng PDI sa Louie’s Cinema na pag-aari ng mga may-ari ng Inquirer.
Sa pagkakaalala ko, ang eksena’y nasa isang party ng New York big shots. Nandun sa piging ang mga editor ng The Sentinel, ang piksiyón na peryodiko na pinag-iikutan ng kuwénto ng pelikula. Magkausap si Bernie White, ang editor in chief (si Robert Duvall ang gumaganap) at si Alicia Clark, ang managing editor (si Glenn Close ang artista).
Nakita kasi ni Bernie na feeling part of the “circle of power” si Alicia. Sabi ng boss niya: “Well, the people we cover — we move in their world, but it is their world. You can’t live like them, Alicia. You’ll never keep up. Now, if you try and make this job about the money, you’ll be nothing but miserable, ’cause we don’t get the money — never have, never will.”
Salamat sa life lessons, na napulot sa mga ex ko sa PDI. Pers lab ko ang PDI, at mahal ko rin kayo. – Rappler.com