
Tanggap na ng marami na may krisis tayong kinakaharap sa edukasyon, pero ano ba ang ibig nitong sabihin? Tungkol lang ba ito sa pangit na grado ng ating mga estudyante sa mga international assessment? Kakulangan ng mga classroom? Tambak na trabaho ng mga guro?
Dahil ba ito sa mga pondong “confidential” at ayaw sabihin kung para saan?
Ano ang EDCOM II?
BASAHIN: What you need to know about EDCOM II that aims to fix learning crisis
Ang Second Congressional Commission on Education o EDCOM II ay binuo noong Hulyo 2022 sa pamamagitan ng Republic Act 11899. Layon nitong gumawa ng isang komprehensibong pag-aaral at pagsusuri sa sektor edukasyon sa Pilipinas. Base sa pagsusuring ito, gagawa ang EDCOM II ng “specific, targeted, measurable, and time-bound” solutions sa mga suliraning natukoy.
Kabilang din sa mga layon ng komisyon ang paggamit ng teknolohiya, agham, at inobasyon upang mapaunlad ang digital literacy at critical thinking ng mga mag-aaral.
Sa huli, nakikinitang magiging globally competitive ang Pilipinas sa edukasyon at labor markets.
Panay mambabatas ang miyembro ng EDCOM II, ayon sa batas: limang senador at limang miyembro ng Kamara de Representante.
Ano ang lagay ng sektor ng edukasyon?
BASAHIN: Filipino students 4 to 5 years behind expected literacy standards
Ayon sa unang ulat ng EDCOM II na inilabas noong Enero 2024, ito ang lagay ng sektor: may miseducation — poorly delivered education.
Kung ang depinisyon daw kasi ng sistema ay “a regularly interacting or interdependent group of items forming a unified whole,” hirap ang sistemang pang-edukasyon ng Pilipinas na maabot ang pamantayan.
Tinawag na “fragmented” — putol-putol — ang implementasyon ng mga hakbangin sa Early Childhood Care and Development (ECCD). Ang proseso ng teacher development — mula pre-service, hanggang paglilisensiya, hanggang hiring — ay “disjointed” o magkakahiwalay o hindi magkakatugma. Kulang ang mga programang pang-edukasyon para mismo sa mga propesyonal na nakatutok dapat sa edukasyon. Walang mekanismong nagmomonitor sa pag-unlad. Nagbubunsod lang ng hindi pagkakapantay-pantay ang Special Education Fund.
At hindi epektibo ang koordinasyon ng napakaraming katawang kinabibilangan ng Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority. Patuloy rin daw na lumalawak ang sakop ng tatlong nasabing ahensiya kahit na hindi naman nadadagdagan ang bilang ng mga tauhan.
Ano-ano ang problema sa early childhood education?
Samantala, idinidiin ng ikalawang ulat ng EDCOM II na inihanda noong 2024 at inilabas nitong Enero 2025 ang pangangailangang ayusin ang pundasyon ng edukasyon sa ECCD, basic education, at higher education.
Unang-una, mahalaga ang papel ng ECCD sa pagpapababa ng dropout rates dahil isinasaayos nito ang literacy at math achievement pagtuntong ng Grade 3, pagsiguro ng matagumpay na pagkatuto sa mas mataas na mga antas, at pagsasaayos ng earning potential kapag naghahanapbuhay na.
Pero maraming batang Pilipino ang may severe malnutrition, high stunting o pagkabansot, at low early childhood education participation. Isa lamang sa apat na bata ang nakakukuha ng kailangang enerhiya sa pagitan ng unang anim hanggang 12 na buwan. Hindi maayos ang distribusyon ng carbohydrates, protina, at fats sa kinakain ng maraming bata.
Maraming magulang ang nag-aakalang masyado pang bata ang kanilang mga anak para mag-aral, o nalalayuan sa mga child development centers. Kalahati lamang ng mga batang edad 3-4 ang nakakapag-aral bumasa sa bahay, samantalang hindi rin matatawaran ang epekto ng pangingibang-lugar ng magulang para magtrabaho. Kaya naman ng naaatasang magbigay ng ECCD sa maraming bata ay mga tinatawag na parent-substitutes — nakatatandang kapatid, lolo at lola, o mga kasambahay.
Problema rin ang pondo. Ayon sa ulat, may alokasyon lamang ang gobyerno ng P3,870 kada bata para sa health-related ECCD services, gayong ang average para sa mga low- at middle-income countries ay P8,700. Hindi rin pantay ang tulong ng local government units sa ganitong serbisyo; walang kakayahan ang mahihirap na munisipalidad.
Ano-ano ang problema sa elementarya?
BASAHIN: ‘Fixing the foundations’ of an education system in crisis
Samantala, malaking hamon din ang basic education. Maraming estudyante ang tumutuntong sa Grade 4 kahit na nasa Grade 2 o Grade 3 lang ang kanilang kakayahan. Nakukumplika ang problema habang lumalaki ang mga bata. Hirap ang implementasyon ng MATATAG curriculum dahil sa pagkaantala sa pagde-deliver ng textbook at kakulangan sa teacher training at resources. Maraming araw ang nawawala dahil sa mga suspensiyon ng klase.
May 165,000 na silid-aralan ang kailangang ipatayo, at maraming paaralan ang naghahalinhinan lamang sa mga classroom sa pamamagitan ng multiple shifts at alternative delivery mode. Tatlo sa 10 gusaling pampaaralan lang ang nasa maayos na kondisyon. Kita ring mas siksikan ang mga estudyante sa mga lugar na urban at rural.
Isa pang problema: bullying sa basic education — sa katunayan pala, ang Pilipinas ang tinaguriang “bullying capital of the world.” Noong 2018, ayon sa Programme for International Student Assessment, may 65% ng mag-aaral sa Grade 10 ang nakaranas ng bullying. Napaglumaan na ang implementing rules and regulations ng Anti-Bullying Act, at hindi na akma sa mga realidad ng paaralan.
Ano-ano ang problema sa hayiskul?
BASAHIN: 4 in 10 Filipino college students dropping out despite free tuition law
Sa mas mataas na antas naman ng edukasyon, 34.89% ang education participation rate sa Pilipinas — mas mababa kaysa average na 41.10% sa ASEAN. Pinakamababa sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (18.7%), Bicol (24.6%), at Central Luzon (25.1%). Ang mga dahilan: pagtatrabaho o paghahanap ng trabaho, kawalan ng interes, at mga limitasyong pinansiyal.
Higit 5,000 kalipikadong mag-aaral ang hindi natanggap sa Philippine Science High School System dahil kulang ang slots.
Kailangan ding ayusin ang learning recovery programs para matutukan ang mga tunay na nangangailangan. Kailangan ding repasuhin ang mga programang Catch Up Fridays at National Learning Camps, ayon sa ulat. Kulang ang suporta at mekanismo para sa Special Curricular Programs para sa sining, foreign languages, peryodismo, palakasan, agham, at TVET (Technical and Vocational Education and Training), hindi malinaw ang mga outcome at polisiya, at hindi regular at pantay ang resources na inilalaan para sa mga ito.
At kahit naipasa na ang batas para sa Alternative Learning System noong 2020, hindi pa natatapos ang implementing guidelines nito. Nakapako sa P7 milyon kada taon ang pondo para sa ALS ilan man ang nangangailang sumailalim sa ganitong programa. May 4.9 milyon na out of school youth sa bansa, pero 12.2% lang nito ang naabot (kalahati nitong bilang ang nakatatapos) ng ALS.
Nakaaalarma rin ang attrition rates o ang porsiyento ng mga mag-aaral na nagsimula ngunit hindi nakapagpatuloy: 39% ang average sa buong bansa, pero mataas ang attrition rate sa BARMM (nakalululang 93.4%), Central Visayas, (60.7%), Zamboanga Peninsula (59.5%), at Cordillera Administrative Region o CAR (54.9%).
Tunay ngang masidhi ang pangangailangang unawain ang mga sanhi ng malawakang pag-drop out ng mga mag-aaral para mabawasan o mapigilan ito.
Mas marami pang detalyeng nilalaman ang ikalawang ulat. Laman din ng dokumento ang mga rekomendasyon ng komisyon.
Kailan maiaayos ang sektor ng edukasyon?
BASAHIN: 6 in 10 high school teachers handling subjects they did not major in – EDCOM 2
Sa huli, maling-maling isipin na maaaring ayusin ang lahat ng ating suliranin sa edukasyon sa loob ng maikling panahon, o sa isang buong administrasyon, o isang termino ng isang kalihim gaano pa man kalawak at kalalim ang kanyang kaalaman at karanasan. Sa ganitong mga pagkakataon mahalaga ang continuity o pagtutuloy-tuloy ng mga programa — sinuman ang nasa puwesto, anuman ang kulay ng kanyang pulitika, ay dapat makikipagtulungan sa kanyang susundan at kasunod.
Kapag edukasyon kasi ang pinag-uusapan, isang krimen na ituring lang itong paraan para pabanguhin ang pangalan o ikabit ang pansariling tatak sa mga inisyatibo. Walang agarang resulta para sa edukasyon, at kailangang tingnan at suriin ang mga suliranin para makasigurong ang mga solusyon ay may basehan, kayang tustusan, at gawing pangmatagalan.
Mahabang paglalakbay, oo, pero kapag sa wakas ay naumpisahang ayusin nang walang pagkadiskaril, mga susunod na henerasyon ng kabataang Pilipino ang tiyak na makikinabang. – Rappler.com
ALSO ON RAPPLER
- Decades on, Philippines’ education spending still not enough
- Curriculum for aspiring teachers doesn’t match licensure exam content
- Far from ‘matatag’: Delayed textbooks worsen learning crisis
- 1,500 public schools don’t have electricity; 1,000 without toilets
- Philippines’ ‘best’ students left behind due to lack of gov’t support
- Philippines’ classroom shortage may take over 20 years to resolve
- ‘Repetitive paperwork’ distracts teachers from classroom focus