<walang maisip na nakakatawang caption>
Iyang caption na iyan mismo ang inilagay ko sa Facebook status ko nang i-share ko ang balita mula sa The Wall Street Journal na may pamagat na “Teachers Are Burning Out on the Job: Student behavior and mediocre pay are taking their toll” noong isang araw.
Sa balitang lumabas noong August 26, nakahilera ang mga dahilan ng pag-alis ng mga guro sa Estados Unidos patungo sa mga trabahong mas kakaunti ang stress, tulad ng pagtitinda sa supermarket. Sabi pa ng artikulo: “Teacher exit rates reached new highs in the past two years, according to data from several states. In Texas, thousands more teachers left the classroom in 2022 and 2023 compared with the years before the pandemic.”
Ilan sa mga pangunahing dahilan ng pag-alis ng mga guro sa kanilang trabaho ay ang mahirap na pangangasiwa sa student behavior, mababang pasahod, pagkakaroon ng maraming administrative work outside teaching, at ang mahabang oras ng pagtatrabaho. Pamilyar ba?
Sa isa pang artikulo ng The Wall Street Journal noong Marso na may pamagat na “Why Teachers Are Still Leaving the Profession,” inihanay naman ang percentage ng paglaki ng bilang ng umaalis na guro sa Estados Unidos. Mababa na rin daw ang mga nag-aaral para maging guro sa kanilang bansa.
Kung bakit ko nai-share ang artikulo ay dahil sa naniniwala akong may pagkakatulad ang work environment ng mga guro sa bansa natin at sa Estados Unidos. Palagay ko, ang factors na binanggit kung bakit umaalis ang mga guro sa kanilang trabaho sa Estados Unidos ay siya ring factors na nakakaapekto sa pagtuturo dito sa ating bansa sans reliable and empirical data ng umaalis sa trabaho. Idagdag pa ang pangangasiwa sa Brigada Eskwela at pilit na pagpapasayaw kapag Christmas party sa mga titser sa bansa natin. Joke siyempre iyong tungkol sa sayaw.
Umaalis sa trabaho ang mga guro sa Amerika. Umaalis din ang mga guro sa bansa natin para punuan ang nabakanteng teaching position sa Amerika at sa iba pang panig ng mundo.
Hindi naman sana ako dapat mabahala rito. Nagtuturo sa ibang bansa ang kapatid ko. Taong 2007 siya umalis sa pampublikong paaralang pinagtuturuan sa Bulacan para makipagsapalaran sa ibang bansa: Thailand, Vietnam, UAE.
Hindi na rin bago sa akin na magkaroon ng kakilala sa sirkulo ng mga academic na umaalis para mag-aral sa ibang bansa hanggang tuluyan nang maging propesor doon. Sa kabila ng oportunidad na makapagturo sa malalaking unibersidad dito sa atin, mas pinili ng ilang kakilalang propesor ang ibang bansa dahil sa maraming salik, pangunahin na marahil ang kabuhayan showcase. Madaling maintindihan kapag kabuhayan showcase na ang dahilan.
Ang bago sa akin ay nang makasabay ko noong Enero sa pagpapa-change oil ng sasakyan ko sa lalawigan ang isang nagpakilalang mag-aaral ko raw noong nagtuturo pa ako sa isang state university circa 2008. Nagpapa-change oil din siya ng kaniyang kotse. Guro raw siya sa napakalayong bayan sa lalawigan ng Quezon.
Masayang ibinalita sa akin ng dating estudyante kong ito, habang naghihintay kaming matapos ang pag-aayos sa sasakyan namin, na aalis na siya patungo sa Estados Unidos; na iiwan na niya ang kaniyang item o posisyon sa pampublikong paaralan.
Mula noong Enero, ilan pang estudyante kong naging guro — ang iba ay may mataas na posisyon at item na sa Department of Education o DepEd! — ang nabalitaan kong umalis na sa bansa patungo sa Estados Unidos, Canada, Middle East para maging titser at administrador doon. Mga bansang malaya sa Brigada Eskwela.
“11 years po akong nagtuturo sa ‘Pinas, then nalaman ko po ang ganitong oportunidad sa Facebook at pagse-search sa Google,” sabi ng isang guro mula sa Lucena City sa chat namin sa Messenger.
Ayon kay Sir Alonzo (hindi tunay na pangalan), gusto na niyang mamalagi sa Amerika. Gusto niyang maisama ang kaniyang pamilya sa Amerika hanggang pagtanda. Sa isang bansang inaakala kong magaling umingles, kinuha si Sir Alonzo para magturo ng multigrade English Language Arts sa high school.
Naging training ground ni Sir Alonzo ang pagtuturo sa pampublikong paaralan sa atin: “When it comes to content, kayang-kaya po dahil sa training sa DepEd. Pinakamabigat po para sa mga teachers, lalo na sa mga bago, ay classroom management dahil sa behavior differences ng mga estudyante, pero sa una lang naman po ito.”
Ganito rin halos ang sinabi ng isa pang kababayan niya mula sa lalawigan, si Sir Econ Condes na isa munang Master Teacher II sa Lucena bago lumipat sa Palm Beach County, Florida. Senior high school coordinator sa lalawigan ng Quezon si Sir Econ, na estudyante ko dati, pati na ang kaniyang asawa, sa Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon. Pareho silang may PhD. Parehong umangat sa posisyon, pero kailangang iwan ang pagtuturo sa bansa natin kapalit ang pagtuturo sa Amerika.
Pinakamalaking challenge din daw sa kaniya ang classroom management. “Kasi wala naman ditong ancillary works kaya focus lang talaga sa pagtuturo. Kaya bata lang talaga ang iisipin.” Ang ancillary works na tinutukoy ni Sir Econ ay ang maraming gawaing kaugnay ng pagiging guro bukod sa pagtuturo. May committee works, pagbuo ng module, pagbalangkas ng mga plano, at iba pa.
Sa kabila nito, nagpapasalamat si Sir Econ sa DepEd: “[Nagpapasalamat] ako sa DepEd for making me strong, sa lahat ng nakasama ko, sa mga leaders, at co-teachers, sa lahat ng experience — kasi it built us talaga. Thankful pa rin ako sa DepEd kasi tumibay kami.”
Dapat yata Matibay Curriculum ang binuo ng DepEd, hindi Matatag Curriculum.
Halos ganito rin ang naging hamon kay Ma’am Eliza (hindi niya tunay na pangalan) na high school science teacher naman sa Cavite bago maging high school teacher sa Manitoba, Canada. May malaking salik ang kultura sa mga problema niyang kinakaharap sa pagtuturo, gaya ng halos involvement ng magulang para matuto ang anak sa kaniyang paaralan. Idagdag pa ang lagi na ring suliranin ng absenteeism na kinakaharap ng ibang paaralan dito sa atin.
Naghahangad din si Ma’am Eliza ng magandang kinabukasan para sa mga anak pati na ang better working condition, at naniniwala siyang makakamit niya ito sa Canada. Gusto raw niyang subukang maging “Resource Specialist or Science Adviser (parang Education Program Supervisor sa atin). Or maybe go into Guidance Counselling,” pagwawakas ni Ma’am Eliza.
Nasa Gitnang Silangan naman si Sir Joel (hindi niya tunay na pangalan). Isa siyang ng administrador sa isang rehiyon ng DepEd bago mangibang-bansa bilang Senior Assessment and Curriculum Specialist sa government office na nangangasiwa ng edukasyon sa buong rehiyon ng bansang kaniyang nilipatan.
“10 years po ako nagturo sa Pilipinas. 7 taon dito ay pagiging classroom teacher at 3 taon bilang superbisor. Nalaman ko po ang oportunidad na ito dahil sa isang kaibigan na nagsabi sa akin na mag-apply dito kasi ‘yung asawa raw ng boss n’ya ay naghahanap ng isang Asyanong espeyalista sa kurikulum,” pagtatapat ni Sir Joel sa akin.
“English at Research ang aking itinuro noon sa Grade 9 hanggang malipat ako sa senior high school. Tapos, regional supervisor po ako bago umalis ng DepEd. Ngayon po ay hindi ako nagtuturo. Ang nature po ng trabaho ko ay kahawig ng trabaho ko noon bilang regional supervisor,” dagdag pa ni Sir Joel.
Kung tutuusin, napakabilis ng pagtaas sa posisyon ni Sir Joel, na nagtuloy-tuloy sa pag-aaral hanggang makamit ang PhD gaya rin ni Sir Econ at ng kaniyang asawa. Mabilis din ang pagbukas ng oportunidad sa kanila sa DepEd sa kabila ng kanilang batang edad na nasa early 30s. Halos sabay-sabay din silang lumipat ng bansa para sa mas maayos na kinabukasan.
Magkakaklase sila noon sa state university sa Lucban, Quezon. Pawang mga estudyante ko.
Nang tanungin ko si Sir Joel kung sulit ba ang pagtatrabaho sa ibang bansa, sagot niya: “Worth it po siya kasi ang dami ko talagang natutunan dito na hindi ko natutunan sa Pilipinas. Maraming education practices na hindi pa nagagawa ng Pilipinas ang ginagawa na dito. Kasama na dito ang malalimang plano para matupad ang national goals for 2032 and 2074.
“Worth it din po siya kasi nagkaroon ako ng work-life balance. Pagpasok ko sa trabaho, bibilang ka lang ng 8 hours at uuwi na (mas masaya kapag Biyernes kasi 4.5 hours lang ang pasok). Paglabas mo ng opisina, walang boss na magme-message sa iyo o tatawag para ipa-submit or ipa-rush ang ganito o ganyan. Pag nag-leave ka, wala talagang mang-aabala sa iyo. Maipapayo ko na kung bata pa sila, try to explore the world, hehehe.”
Muntik ko nang tanungin si Sir Joel kung kanino ba ako magpapadala ng CV ko.
Kung may mga beterano at matataas na ang posisyon, mayroon din nagsisimula pa lamang sa pagiging guro pero pinili nang magturo sa Amerika — siya si Faridah Macabuat.
Pitong taon lang siya nagturo ng mathematics sa isang private high school dito sa atin. Nalaman niya ang oportunidad na makapagturo sa Amerika dahil sa kaniyang mga kaklase sa kolehiyo. Guro na siya ng mathematics sa high school sa North Carolina. Siyempre, suweldo at kabuhayan ang pangunahing dahilan kung bakit siya umalis sa Pilipinas.
Ayon sa kaniya, maraming oportunidad ang naghihintay sa kaniya sa ibang bansa: “Right now, I have a lot of options kung saan magtuturo after US [which ends in 2028]. So, in the next 10 years, maaaring hindi muna ako bumalik sa pagtuturo sa Pinas…or baka hindi NA at all.
“Bukod sa suweldo, after ko [magturo] sa U.S., mas marami na rin pong opportunities sa iba pang bansa. That’s one factor.”
Nang tanungin ko siya kung kailan siya nagdesisyon na umalis ng bansa, walang kagatol-gatol niyang sinabi: “Naging buo ang desisyon ko noong manalo ang uniteam sa eleksyon 😂.” (Oo, kasama ang smiley sa kinopy-paste ko.)
Napag-uusapan din lang ang suweldo ng mga gurong kababayan natin sa ibang bansa, magandang ilahad na rin ito dito. Sa isang manifestong inilathala ng Teachers’ Diginity Coalition (TDC) noong Agosto 25, inilahad ng samahan ang napipintong brain drain ng mga paaralan dahil sa malawakang migrasyon ng mga guro natin patungo sa ibang bansa. Magkano nga ba ang puwedeng matanggap ng isang guro na magtuturo sa Amerika?
Sa pahayag ng TDC, ipinakilala nila si Sir Ronald George Folloso, 11 taong guro sa Caloocan City, at isang dating Master Teacher 1 na umalis sa DepEd noong Hunyo para nga maging guro sa South Carolina. Sabi ng TDC, “He is set to earn a total of $62,000 or approximately ₱3.5 million annually, compared to the ₱730,000 he received in salaries and benefits as a Master Teacher 1 in the Philippines.”
Mahigit tatlong milyong piso. Tanggalin na natin ang cost of living at mga buwis, ipagpalagay na sa dalawang milyong piso ang lahat ng ito. Matitirhan ng isa’t kalahating milyong piso ang kaniyang pamilya dito sa ating bansa kada taon. Kaya naman ang daling magdesisyon ng ibang gurong may kakayahan pang mangibang-bayan. At ito ang nakakaalarma.
“According to data from the Philippine Overseas Employment Administration (POEA), which were also cited by senators during the deliberations on the Department of Education’s (DepEd) 2024 budget, an average of 1,500 Filipino teachers have left the country each year over the past three years,” saad ng manifesto ng TDC.
Ayon sa pangulo ng TDC na si Benjo Basas, mas inaasahan nilang tumaas ang bilang ng mga guro na mangingibang-bansa ngayong taon. “TDC has raised concerns about a potential brain drain as Filipino teachers continue to leave the country to work abroad.”
Pero ano nga naman ang magagawa kung ang guro na dapat inaasahang magpapatalino sa bansa ay hindi maitawid ang kabuhayan para mabigyan ng disenteng kinabukasan ang kaniyang pamilya? Idagdag pa ang paparami nang paparaming gawaing minsan na mapagdududahan kung kaakibat pa ng pagtuturo.
Sabi pa ni Folloso, “We work not just to get by each day; we work to build a future for ourselves and our families. It’s normal to seek greener pastures, but in doing so, work-life balance is essential, and teaching in the US offers that.”
Hindi natin masisisi ang mga gurong nangahas umalis sa bansa para punan ang kakulangan ng guro sa mas maunlad na bansa. Pare-pareho tayong nangangarap ng mabuting kinabukasan sa ating pamilya. Sana lang dumating ang panahong puwede na nating i-export ang mga politiko sa ibang bansa para mabawasan naman ng pabigat sa bansa natin.
Ano ngayon ang posibleng kaharapin kapag dumami na ang umaalis na guro na, ayon nga kay Basas, ay “among the lowest paid in the government and has suffered from decades-long neglect in terms of benefits, opportunities, rights, and welfare”?
Nakatakda sa ating 1987 Constitution, partikular sa Article XIV, Section 5 na “The State shall assign the highest budgetary priority to education and ensure that teaching will attract and retain its rightful share of the best available talents through adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfillment.”
Ano pa ang “adequate remuneration and other means of job satisfaction and fulfillment” kung unti-unti nang nagma-“May I go out” ang ating “best available talents” patungo sa mga bansang walang Brigada Eskwela? – Rappler.com
Associate professor ng seminar in new media, writing for new media, at creative nonfiction sa Faculty of Arts and Letters at sa Graduate School ng University of Santo Tomas si Joselito D. De Los Reyes, PhD. Siya ang chairperson ng UST Department of Creative Writing. Recipient siya ng 2020 Philippine Normal University Gawad Sulo for Eminent Alumni in the Field of Teacher Education.